(NI KEVIN COLLANTES)
MAGKAKALOOB ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ng libreng sakay para sa kanilang mga commuters sa nalalapit na pagdiriwang ng Independence Day sa Hunyo 12.
Sa paabiso ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na ang libreng sakay ay maaaring i-avail ng kanilang mga commuters sa pagitan ng 7AM at 9AM at 5PM at 7PM.
“Sa darating na ika-12 ng Hunyo 2019, magbibigay ng libreng sakay ang DOTr MRT-3 bilang pakikiisa ng ahensya sa paggunita ng ika-121 anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas,” anang DOTr.
“Libreng makasasakay ang mga pasaherong bibiyahe mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi,” anito pa.
Samantala, kinumpirma na rin naman ni LRT-1 Corporate Communications head na si Rochelle Gamboa na magpapatupad din sila ng libreng sakay sa kahalintulad na oras para sa kanilang mga pasahero sa Araw ng Kalayaan.
Wala pa namang paabiso ang LRT-2 kung magbibigay din sila ng free ride sa kanilang commuters bilang pakikiisa sa naturang mahalagang okasyon.
153