IGINAGALANG ng Malakanyang ang pasya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ideklarang sufficient in form ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng pag-usad ng pagdinig ng House committee on Justice.
“So, that’s the process. We have to respect that,” ani Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Tungkol naman sa kumpiyansa ng Palasyo na hindi lulusot ang mga reklamo bilang sufficient in substance, iginiit ni Castro na matagal nang malinaw ang paninindigan ng Pangulo.
“Sinabi na po ng Pangulo na alam niyang wala siyang ginawang mali, wala siyang nilabag na batas at wala siyang ginawang impeachable offense,” ani Castro.
Gayunman, aminado ang Malakanyang na may pangamba si Pangulong Marcos sa posibleng epekto ng impeachment proceedings sa ekonomiya ng bansa, lalo’t maaari umano itong magbigay ng impresyon ng political instability sa international community.
Binigyang-diin din ng Palasyo na wala silang kinalaman sa paghahain ng mga impeachment complaint at ipinauubaya na lamang sa Kongreso ang proseso.
Nauna nang idineklara ng House committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro na parehong sufficient in form ang dalawang verified impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
Ang unang reklamo ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay, habang ang ikalawa ay inihain ng Makabayan Coalition at inendorso ng mga kongresista ng Makabayan Bloc.
Sa botohan, 46 ang pumabor sa unang reklamo, isa ang tumutol at isa ang nag-abstain. Sa ikalawang reklamo, 35 ang bumoto pabor, siyam ang tumutol at isa ang nag-abstain.
Sa gitna ng pagdinig, nag-walkout si Manila 6th District Rep. Benny Abante matapos kwestiyunin kung tunay na taxpayers ang mga complainant sa ikalawang reklamo.
Impeachment vs VP Sara
Kasabay ng impeachment laban sa Pangulo, dalawang impeachment complaint din ang inihain laban kay Vice President Sara Duterte sa House of Representatives.
Ang unang reklamo ay inihain ng Makabayan Coalition at inendorso ng Makabayan Bloc na sina Rep. Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Co.
Ang ikalawang reklamo naman ay inihain ng 17 indibidwal mula sa iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Tindig Pilipinas at inendorso nina Akbayan Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima.
Batay ang mga reklamo sa culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds, illegal wealth accumulation, at bigong pagdedeklara ng ari-arian sa SALN.
Kasama rin sa mga alegasyon ang umano’y extra-judicial killings at planong destabilization sa gobyerno.
(CHRISTIAN DALE)
14
