IGINIIT ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno na dapat magsalita si dating Marikina 2nd District Representative at dating chairperson ng House Appropriations committee na si Stella Quimbo tungkol sa mga isyu at kontrobersiya sa national budget.
“Ang sabi ko nga sa ending ng forum na ito, dapat pala naimbitahan din si Stella Quimbo,” sabi ni Magno, na isa sa mga panelist sa forum ng UP School of Economics tungkol sa pambansang budget.
Dagdag ni Magno, bilang dating vice chairperson at chairperson ng House Committee on Appropriations, si Quimbo ang pinakaangkop na magpaliwanag tungkol sa mga unprogrammed funds at mga flood control insertions sa budget.
Ginawa niya ang komento matapos ibahagi ang isang video mula sa forum na nagpapakita kay dating NEDA chief Winnie Monsod na kinukwestyon si Acting Budget Secretary Rolando Toledo tungkol sa kontrobersiya sa flood control.
Sa clip, nagpahayag ng pagkadismaya si Monsod sa sagot ni Toledo na nalaman lang niya ang tungkol sa maanomalyang flood control projects nang ilahad ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address.
Si Quimbo ay miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbi bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget. Kalaunan, naging chairperson siya ng committee matapos magbitiw si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Kasama rin si Quimbo sa tinatawag na small committee, kung saan iniulat na naganap ang insertions sa 2025 pambansang budget.
Batay sa record, may apat na infrastructure projects si Quimbo sa kanyang distrito. Naglaan din siya ng P950 milyon upang gawing “Smart Campus” ang Marikina Polytechnic College (MPC), proyektong iginawad sa Sunwest Construction and Development Corporation na may kaugnayan kay Co. (EG)
3
