INIHAYAG ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Randulf Tuaño, pinag-aaralan ng Pambansang Pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa isang vlogger.
Matatandaang nag-viral sa social media ang content creator na si Norman Mangusin o mas kilala bilang si Francis Leo Marcos, habang nakasuot ng uniporme ng pulis.
Pinagmumura at hinamon din ng suntukan ni Mangusin si Police Regional Office 2 Director P/Brig. Gen. Antonio Marallag Jr.
Ayon kay Tuaño, posibleng maharap sa kasong usurpation of authority at illegal use of uniforms or insignia si Mangusin na posibleng magresulta sa pagkakakulong.
Iginiit naman ng Police Regional Office 2, ang uniporme ng pulis ay hindi basta kasuotan dahil ito ay sagradong sagisag ng awtoridad, disiplina, at tapat na paglilingkod sa sambayanan.
Sa ngayon, patuloy na isinasagawa ng PRO 2 at Regional Anti-Cybercrime Unit 2 ang masusing imbestigasyon kaugnay sa nasabing larawan at sa pagbabahagi nito sa social media.
(TOTO NABAJA)
3
