MAY kilalang mga politiko at personalidad na naghain ng Certificate of Candidacy para sa Ikalawang Distrito ng Antipolo para sa special election upang mapunuan ang nabakanteng pwesto ni dating Rep. Romeo Acop.
Ayon sa Comelec, inaasahan na pito ang opisyal na kandidato kasama ang isang ordinaryong mamamayan mula sa Antipolo na tumakbo sa halalan.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maituturing na maganda ang kinalabasan ng filing of candidacy dahil nagpapakita ito ng pagiging masigla at buhay ng demokrasya sa Ikalawang Distrito ng Antipolo.
Sa pagtatapos ng en banc session ng Comelec at matapos isumite at aprubahan ang opisyal na listahan, asahang ilalabas na ang final list ng mga kandidato.
Sa kasalukuyan, wala pa umanong natatanggap na petisyon ang Comelec para i-disqualify o kanselahin ang kandidatura ng sinoman sa pitong aspirante.
Nilinaw ng Comelec na ang gaganaping halalan ay manual election, kung saan hindi naka-print ang mga pangalan ng kandidato sa balota at isusulat mismo ng mga botante ang pangalan ng kanilang napiling kandidato.
(JOCELYN DOMENDEN)
3
