INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang mobilisasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang mabilis na pagbangon ng mga pamilyang sinalanta ng Tropical Storm Basyang (Penha).
Nagbigay ng direktiba ang Pangulo sa pulong kasama ang mga miyembro ng Gabinete at mga gobernador mula sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inatasan ng Pangulo ang mga ahensya na pasimplehin ang proseso upang agad makarating ang tulong sa mga nangangailangan.
Binigyang-diin din nito ang maagang paglalabas ng pondo para sa paghahanda sa kalamidad, pagpapabilis ng distribusyon ng tulong, at agarang pamamahagi ng binhi upang makapagsimulang muli ang mga magsasaka.
Tinalakay rin ang pagpapalakas ng river clearing operations upang maiwasan ang pagbaha.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa mahigit P9.2 milyon ang naipamahaging tulong sa 1,297 pamilya, habang nasa 182,352 pamilya o 645,612 katao mula sa 1,285 barangay ang naapektuhan ng bagyo.
(CHRISTIAN DALE)
2
