40 BFP FIRE EXTINGUISHER SALESMEN KAKASUHAN – DILG

NASA 40 kagawad ng Bureau of Fire Protection na nagsisilbing salesman ng fire extinguisher, ang nakatakdang sampahan ng kaso ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, idadamay nila sa sasampahan ng kaso si Bureau of Fire Protection (BFP) director Jesus Fernandez kaugnay ng maanomalyang bentahan ng fire extinguisher.

Sinabi ni Remulla, sa susunod na linggo ay may 40 mga tauhan ng BFP ang kanilang kakasuhan at isasama na ang kanilang pinakapinuno.

Bukod dito ay may isang libo pa umanong mga tauhan ng BFP ang nakatakdang kasuhan sa mga susunod na araw.

Ginawa ni Remulla ang pahayag matapos matuklasan na kahit may body camera na ang mga fire inspector ay nagpapatuloy pa rin ang bentahan ng mga fire extinguisher.

Ikinagalit ng kalihim ang natuklasan na nauuna pa ang mga nagbebenta ng fire extinguisher kaysa fire inspector.

Imposibleng hindi alam ni Fernandez ang systemic na bentahan ng mga fire extinguisher sa maliliit at katamtamang laki ng mga establisyemento.

Ikinagalit din ni Remulla na maging ang kanyang pamangkin sa Cavite na isang maliit na negosyante ay hindi pinalampas ng modus.

(JESSE RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment