Patay ang isang lalaki matapos makuryente sa tangkang pagnanakaw ng mga kable sa Barangay San Isidro, Parañaque City ngayong Linggo, Pebrero 15.
Ayon sa mga rumespondeng pulis, nahuli sa akto ang 39-anyos na suspek na pinuputol ang mga kable sa poste ng Meralco bago tuluyang makuryente kaninang madaling araw. Nasawi ang suspek matapos makuryente at magtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Nagdulot ng circuit tripping ang insidente pero wala namang naging mahabang antala sa serbisyo ng kuryente sa mga customer ng Meralco.
Muli namang nagbabala ang Meralco na lubhang mapanganib at labag sa batas ang pagnanakaw, pagbebenta, at pagbili ng mga kable at iba pang kagamitan na ginagamit sa paghahatid ng serbisyo ng kuryente.
“Bukod sa paglabag sa batas, napakalaki ng panganib ng pagnanakaw ng kable dahil maaari itong magresulta sa matinding pagkakuryente, seryosong pinsala, o kamatayan,” ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga.
“Patuloy kaming nananawagan sa publiko na huwag makibahagi sa ganitong gawain at agad i-report sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatiling ligtas ang komunidad at tuloy-tuloy ang serbisyo ng kuryente,” dagdag pa ni Zaldarriaga.
Paglabag sa Republic Act 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act ang pagnanakaw ng mga kable, na may parusang hindi bababa sa 12 taon na pagkakakulong at multa mula P50,000 hanggang P100,000. Ang mga bumibili naman ng nakaw na kable ay mananagot sa ilalim ng Anti-Fencing Law at maaaring maparusahan ng pagkakakulong.
Patuloy ang aktibong pagtutulungan ng Meralco sa Philippine National Police sa kampanya laban sa pagnanakaw ng mga kable at iba pang kagamitan sa paghahatid ng serbisyo ng kuryente.
7
