HIGIT 24 PINOY SEAFARERS SA MGA BARKO NG RUSSIA, NANGANGANIB MAIPIT SA GIYERA KONTRA UKRAINE — ERWIN TULFO

MAKIKIPAGPULONG ngayong linggo si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) tungkol sa dapat gawin sa humigit-kumulang 24 Pinoy seafarers na nakasakay ngayon sa ilang barko ng Russia.

Ayon kay Sen. Tulfo, “Gusto nating malaman kung ano ang magiging hakbang ng ating DFA at DMW para sa kaligtasan ng mga seafarers na ito.”

Ang impormasyon hinggil sa bilang ng mga Pinoy seaman ay ibinahagi ni Ukraine Ambassador Yuliia Fediv kay Tulfo nang mag-courtesy call ang naturang diplomat sa senador noong nakaraang linggo.

“I want DMW sana to find out kung itong mga seaman natin ay direct hire o dumaan sa manning agency dito sa atin,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya, “kung sila ay dumaan sa manning agency, may pananagutan ang kumpanya na ‘yun kapag may nangyari sa kanila.”

“Pero kung sila ay mga direct hire, pakiusapan na lang na umuwi na lang sila at delikado ang buhay nila,” ayon pa kay Tulfo.

Sa nasabi ring courtesy visit, pinakiusapan ni Sen. Tulfo si Ambassador Fediv kung maaaring makausap ni Filipino prisoner of war Raymond Santos Gumangan ang kanyang pamilya kahit sa telepono lang.

Matatandaang si Gumangan ay nadakip ng mga tropa ng Ukraine na nakikipaglaban sa ilalim ng Russian forces kahit na ayon sa pamilya niya ay pagiging “logistics truck driver” ang pinasukan niyang trabaho sa isang online job-hunting platform.

Nangako si Fediv na tutulong para makausap ni Gumangan ang naiwang pamilya dito sa Pilipinas.

Nangako rin ang lady ambassador of Ukraine to the Philippines na tatratuhin nang maayos si Gumangan sa ilalim ng Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War.

9

Related posts

Leave a Comment