P102-M KITA NG ADUANA SA DISCAYA CARS; LUXURY VEHICLES NI ZALDY CO, ISUSUBASTA RIN

UMABOT sa mahigit P102 milyon ang nalikom ng Bureau of Customs mula sa subasta ng mga luxury vehicles ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya na idinadawit sa multi-bilyong flood control controversy sa DPWH.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa transparency at pananagutan, siyam sa 13 nakumpiskang sasakyan ng mag-asawa ang naisalang sa subasta.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ibinabalik sa Bureau of the Treasury ang pondo upang magamit sa mga programa ng pamahalaan.

Sa 12 sasakyang inialok noong Pebrero 25, pito ang may kaugnayan sa Discaya at tatlo ang naibenta: isang 2024 Lincoln Navigator, 2022 Cadillac Escalade ESV, at Bentley Bentayga, na nakalikom ng mahigit P25.7 milyon kabilang ang registration fees.

Inihayag din ni Nepomuceno na nakatakda ring isalang sa public auction ang walong sasakyang inuugnay kay Zaldy Co dahil sa umano’y problema sa certificates of payment at import entries.

Magugunitang 14 na luxury vehicles ang sinamsam ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa condominium sa Taguig at iba pang ari-arian sa Albay.

Kapag naipatupad ang warrant of seizure and detention, agad na isusubasta ang mga sasakyan ni Co na sentro ng flood control controversy.

(JESSE RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment