Samantala, iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanggang alas-9 ng umaga ng Linggo ay wala pa siyang natatanggap na ulat na may nasawi o nasugatang Pilipino kaugnay ng isinagawang pag-atake ng Iran sa mga base ng Estados Unidos sa United Arab Emirates, Bahrain, Oman at Israel gamit ang ballistic missiles.
Sa isang video message, tiniyak ng Pangulo sa publiko ang kalagayan ng mga kababayan sa Gitnang Silangan.
“Wala po tayong natatanggap na report na may casualty na Pilipino. Wala pong Pilipino ang namatay, at wala rin pong Pilipino ang nasaktan,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa ulat, isinagawa ng Iran ang pag-atake bilang ganti sa naunang aksyon ng Amerika at Israel laban sa kanila.
Sinabi ni Marcos na agad silang nagpatupad ng masinsinang monitoring sa pamamagitan ng mga embahada at labor attaché sa rehiyon sa sandaling lumutang ang balita tungkol sa lumalalang tensyon.
Kaugnay nito, kaagad ding inatasan ng Pangulo ang DFA at DMW na tiyakin ang kaligtasan at lokasyon ng mga Pilipino sa Iran at iba pang bahagi ng Middle East.
Sa isang pahayag na inilabas sa social media platform X, sinabi ng Pangulo na kumakalap na ang pamahalaan ng karagdagang detalye kaugnay ng insidente.
“In the meantime, the safety of Filipino citizens in Iran and in the Middle East is paramount. I have instructed the DFA and the DMW to take measures to determine their whereabouts in affected areas and to take immediate measures to ensure their safety,” ayon sa Pangulo.
(CHRISTIAN DALE)
3
