PAGLILINAW NG NSC, DND, AFP: EDCA SITES HINDI US MILITARY FACILITIES

AGAD nilinaw ng National Security Council (NSC) at Department of National Defense (DND) na hindi military facilities ng Estados Unidos ang mga EDCA sites kaya hindi ito target ng anomang retaliatory attack ng Iran.

Ayon kay Defense Spokesman Arsenio Andolong, nananatiling nakapokus ang kasalukuyang hostilidad sa Gitnang Silangan at walang kredibleng direktang banta sa Pilipinas o sa mga pasilidad nito.

Binigyang-diin niyang ang Pilipinas ay hindi bahagi ng naturang teatro ng digmaan.

Dagdag pa niya, ang mga pag-atake ng Iran ay nakatuon sa mga pasilidad ng Estados Unidos sa mga bansang may hangganang dagat o lupa rito.

Ang mga EDCA sites aniya ay mga pasilidad ng Pilipinas at hindi pag-aari ng Amerika.

Sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nananatiling nasa buong pagmamay-ari, pamamahala at kontrol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kampo.

Layunin lamang ng mga ito ang pagsasanay, Humanitarian Assistance and Disaster Response at pagpapalakas ng depensa ng bansa.

Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naglinaw na hindi gagamitin ang EDCA sites para sa opensibong aksyon laban sa ibang bansa.

Ayon naman kay NSC spokesman Cornelio Valencia, walang base militar ng Amerika sa Pilipinas.

Patuloy aniyang mino-monitor ng NSC, AFP, DND at iba pang ahensya ang sitwasyon sa Gitnang Silangan at wala pang beripikadong direktang banta sa teritoryo ng bansa.

Nanawagan ang mga opisyal sa publiko na manatiling kalmado at huwag magpalinlang sa maling impormasyon o disinformation.

Sinabi naman ni AFP Spokesperson Francel Margaret Padilla na nakahanda ang militar na suportahan ang anumang tugon ng pamahalaan, kabilang ang humanitarian missions, evacuation at repatriation kung kinakailangan.

“Ang pangangalaga sa ating mga mamamayan, sa loob at labas ng bansa, ay nananatiling pangunahing prayoridad,” aniya.

(JESSE RUIZ)

1

Related posts

Leave a Comment