KINUMPIRMA ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakadiskubre at pagbuwag sa umano’y mga “espionage network” ng China na sangkot sa paniniktik sa Pilipinas.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mulat ang militar sa mga ulat kaugnay ng operasyon ng naturang network na umano’y nag-ooperate sa bansa.
Sinasabing natuklasan at nahadlangan ng mga awtoridad ang ilang aktibidad na kinasasangkutan ng mga Pilipinong nakikipagtulungan na ngayon sa mga imbestigador, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa mga dayuhang operasyon na may masamang layunin laban sa bansa.
Ipinaliwanag ni Padilla na ipinapakita ng pangyayaring ito kung paano gumagamit ang makabagong espiya ng cyber at iba pang teknolohikal na pamamaraan upang magsagawa ng paniniktik.
Dahil dito, lalo pang pinagtitibay ng AFP ang pagbabantay at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Nabatid na natukoy at naresolba ang sitwasyon sa pamamagitan ng koordinadong aksyon ng pamahalaan kasama ang mga kaukulang security at law enforcement agencies.
Suportado rin ng AFP ang nagpapatuloy na mga hakbang upang palakasin ang mga pananggalang sa pambansang seguridad, kabilang ang patuloy na pagpapahusay ng mga legal at institusyonal na balangkas upang matugunan ang mga umuusbong na banta.
Samantala, itinanggi naman ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang umano’y “wolf warrior diplomacy” kaugnay ng mga naging pampublikong palitan ng pahayag sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Deputy Spokesperson ng Chinese Embassy in Manila na si Guo Wei, may mga taong mahilig umano na maglagay ng etiketa sa iba at ginamit ang pamagat ng pelikulang Wolf Warrior upang tawagin ang mga diplomat ng China.
“Napapanood ba nila ang Wolf Warrior? Ipinapakita lamang ng pelikula ang simpleng kuwento ng mga tauhang Tsino, kabilang ang mga diplomat, na nagpoprotekta sa mamamayang Tsino sa ibang bansa. Isang normal na kwento ng isang responsableng bansa na nagtatanggol sa kanyang mamamayan. Walang masama rito,” ani Guo.
Dagdag pa niya, tungkulin ng mga diplomat na ipagtanggol ang interes at dangal ng kanilang bansa.
“Linawin natin: hindi kami mga lobo. Kami ay mga diplomat na gumaganap ng aming tungkulin. Ang aming posisyon ay tuwiran—ang pambansang interes at dangal ng Tsina ay dapat ipagtanggol. Kasabay nito, tungkulin din naming itaguyod ang palitan at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas,” pahayag pa ni Guo Wei.
(JESSE RUIZ)
63 