PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
IPINAG-UTOS ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na idaos ang lahat ng graduation rites ng mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa loob mismo ng kani-kanilang campus habang hinaharap ng lungsod ang nakaambang pagtaas ng presyo dulot ng krisis sa langis.
Sa kanyang regular na pulong sa management committee, inatasan ng alkalde ang Schools Division Office (SDO) of Manila sa pangunguna ni Superintendent Dr. Sheryll Gayola, na tiyaking sa loob lamang ng mga paaralan gaganapin ang mga seremonya upang maiwasan ang dagdag gastusin ng mga magulang, lalo na kung sa ibang lugar pa ito idaraos na mangangailangan ng karagdagang bayarin.
Ayon sa alkalde, bahagi ito ng paghahanda ng Maynila sa posibleng pandaigdigang oil shock bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at sa napaulat na pagharang sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Dalawampung porsiyento ng ating langis sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas, may problema sa pinanggagalingang suplay,” babala ng alkalde, na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng gasolina, pamasahe at mga pangunahing bilihin.
“Kaya tataas ang presyo ng mga bilihin, gastusin, pamasahe, and so on and so forth, most likely,” wika ni Isko.
Hinimok ni Domagoso ang mga pampublikong paaralan na panatilihing simple at matipid ang mga aktibidad sa graduation, dahil kahit maliit na pagtaas sa presyo ay may malaking epekto sa badyet ng mga pamilya.
Nakasaad ang direktiba sa Executive Order No. 7, Series of 2026, na nag-uutos ng 50 porsiyentong pagbawas sa konsumo ng gasolina sa lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Sa ilalim ng kautusan, ipinagbabawal ang mga hindi mahalagang biyahe, suspendido ang mga “lakbay-aral,” at inaatasan ang mga opisina na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente, kabilang ang pagbabawas ng ilaw at pagsasagawa ng online meetings kung maaari.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat makiisa ang lungsod sa pambansang hakbang sa pagtitipid ng mga yaman. Aniya, mahalaga man ang graduation para sa mga mag-aaral, dapat manaig ang pagiging maingat at praktikal sa panahon ng pandaigdigang kawalang-katiyakan.
“Ayaw kong pangunahan ang sitwasyon, pero para sa layuning makiisa tayo sa direksyon ng pambansang pamahalaan, hangga’t maaari, mabawasan natin ang mga hindi kinakailangang gastos,” pahayag pa ni Domagoso.
***
Nitong Lunes, March 2 ay ipinag-utos rin ni Yorme Isko ang agarang pagbawas ng 50 porsiyento sa konsumo ng gasolina ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa gitna ng nakaambang krisis sa langis bunsod ng tensyon sa Iran.
Ayon kay Domagoso, kinakailangan ang hakbang dahil sa inaasahang oil shock na dulot ng epektibong pagsasara ng Strait of Hormuz at lumalalang sigalot sa Iran.
Sa ilalim ng Executive Order No. 7, series of 2026 na nilagdaan nitong Lunes, Marso 2, sinabi ni Domagoso na ang patuloy na armadong tunggalian sa Gitnang Silangan at ang tinawag na Operation Epic Fury (Joint US-Israel Strike laban sa Iran), ay magdudulot ng matinding paggalaw sa pandaigdigang merkado ng langis, posibleng pagkaantala sa suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo na makaaapekto sa pambansa at lokal na ekonomiya, kabilang ang pananalapi ng Lungsod ng Maynila.
Binigyang-diin ni Isko na nagdeklara ang Iran ng blockade sa Strait of Hormuz, dahilan upang pisikal na maharang ang daloy ng tinatayang 20 porsiyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Dapat kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang maprotektahan ang pondo ng bayan, mapanatili ang mahahalagang serbisyo publiko, at mabawasan ang epekto ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng langis,” ani Moreno.
Sa direktiba, inatasan ang lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng lungsod na magpatupad ng hindi bababa sa 50 porsiyentong bawas sa paggamit ng gasolina para sa mga sasakyan, generator, heavy equipment at iba pang gamit na pinatatakbo ng krudo, na pag-aari, inuupahan o pinamamahalaan ng lungsod.
Hinikayat din ang mga tanggapan na i-optimize ang ruta ng mga sasakyan, pagsamahin ang mga delivery, at bawasan ang hindi kinakailangang biyahe.
Kabilang sa agarang ipinatupad ang pagbabawal sa lahat ng hindi mahalagang biyahe ng mga opisyal at kawani ng lungsod.
Tumutukoy ang “non-essential travel” sa mga biyahe na maaaring ipagpaliban, palitan ng online meeting, o iwasan nang hindi naaapektuhan ang serbisyo publiko.
Suspendido rin ang lahat ng “lakbay-aral” at mga biyahe sa ibang bansa maliban kung ituturing na kritikal sa operasyon ng lungsod.
Inatasan ang lahat ng tanggapan, maliban sa mga ospital at pasilidad pangkalusugan na pinatatakbo ng LGU, na magpatupad ng pagtitipid sa kuryente, kabilang ang pagpatay ng ilaw at kuryente pagsapit ng 5:00 ng hapon. Ang mga pulong kasama ang 896 barangay ng Maynila, 44 na city health centers, pitong ospital at mga district satellite office, ay isasagawa online.
Ang mga seremonya ng pagtatapos sa mga pampublikong elementarya at sekundarya ay gagawin na lamang sa loob ng kani-kanilang paaralan upang mabawasan ang biyahe at gastusin sa gasolina ng mga pamilya.
Pinapayagan din ang staggered shifts, compressed workweek at work-from-home arrangement kung maaari, gayundin ang pagbabawas ng hindi kailangang ilaw at pagsasaayos ng heating, ventilation at air-conditioning systems sa mga pasilidad ng lungsod.
Hindi saklaw ng mga restriksiyon ang mga operasyong pang-emerhensiya tulad ng pulisya, bumbero at ambulansiya; serbisyong pangkalusugan at disaster risk reduction; koleksiyon at paghakot ng basura; traffic management; at iba pang gawaing ituturing na mahalaga ng alkalde.
Sasailalim sa administratibong imbestigasyon ang mga lalabag sa mga probisyon ukol sa biyahe at paggamit ng gasolina at maaaring patawan ng parusa alinsunod sa civil service rules, kabilang ang suspensyon ng fuel privileges at iba pang kaukulang kaparusahan.
Agad itong magkakabisa at mananatiling epektibo hanggang ideklara ng alkalde na normal na muli ang kondisyon ng suplay ng langis.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
114 