TRUCK NAWALAN NG PRENO, 4 SUGATAN

QUEZON – Apat katao ang nasugatan makaraan ang nangyaring aksidente sa Maharlika Highway sa New Zigzag Diversion Road sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa paunang impormasyon, nawalan ng preno ang isang truck na bumabagtas sa pababang bahagi ng kalsada patungong Lucena City mula Atimonan.

Dahil sa bilis ng takbo, sumalpok muna ang truck sa isang multicab na may kargang prutas na nakahinto sa gilid ng kalsada, bago ito bumangga sa puno ng niyog at tuluyang nahulog sa ilog sa Sitio Amao, Barangay Silangan Malicboy, bandang alas-10:00 ng umaga.

Sugatan ang dalawang sakay ng multicab gayundin ang dalawa kataong sakay ng truck.

Agad nagresponde ang mga residente at nailabas mula sa sasakyan ang dalawa sa mga biktima, ngunit may isang sakay ng truck at multicab ang naiulat na naipit pa sa loob ng mga wasak na sasakyan.

Sa lakas ng impact, durog ang multicab at nagkalat ang mga kargang prutas sa kalsada.

Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga nasangkot sa aksidente at ang kabuuang detalye ng insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

117

Related posts

Leave a Comment