SINISILIP ng Commission on Audit (COA) Special Audit Team ang umano’y malawakang iregularidad at posibleng paglabag sa batas sa pagbili ng learning materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Batay sa audit findings, isinagawa ang procurement sa ilalim ng pamumuno ni Education Minister Mohagher Iqbal, kung saan hinihinala ang iba’t ibang paglabag sa umiiral na procurement laws at regulasyon.
Sa ulat, isinagawa ang special fraud audit sa utos ni COA Chairman Gamaliel Cordoba noong Agosto ng nakaraang taon, kasunod ng paglabas ng mga ulat at paghahain ng mga reklamo laban sa mga opisyal ng MBHTE kaugnay ng dalawang hinihinalang maanomalyang paggamit ng pondo ng BARMM na umabot sa P2,221,488,155.57.
Ang unang kaso ay may kaugnayan sa kabayaran para sa mga textbook para sa grade school na nagkakahalaga ng P1,772,251,519.17. Ang ikalawa naman ay ang kahina-hinalang bayad sa supplier na FEJA Non-Specialized Wholesale Trading para sa Learner’s at Teacher’s Kits na nagkakahalaga ng P449,236,636.20.
Ayon sa ulat, ang mga naturang transaksyon ay hinihinalang hindi dumaan sa standard review at posibleng lumabag sa procurement laws at auditing procedures.
Samantala, base sa fraud investigation, may 73 disbursement vouchers (DVs) para sa procurement ng learning materials na umaabot sa P2,247,023,709.80 ang nabayaran batay lamang sa mga certification ng mga opisyal at kawani ng MBHTE, sa kabila ng kakulangan ng mga kinakailangang dokumento sa ilalim ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act.
Nabatid din na ang mga transaksyon ay na-certify ng chief ng finance division, dahilan upang mabayaran nang buo ang supplier, na may basbas umano ng minister o deputy minister.
“Due to the certifications made, the transactions were paid despite non-submission of the standard supporting documents, to the disadvantage of the government,” ayon sa ulat ng Special Audit Team.
“Failure to submit comments within the prescribed period shall constrain the SAT to finalize its findings based on the available records,” ayon pa sa COA.
(PAOLO SANTOS)
66 