NAKALUSOT sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara at kontratistang si Sally Santos sa tatlong kaso ng malversation at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Ito ang ibinahagi kahapon ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez. Ayon sa kanya, tinanggal ang dalawa bilang respondents matapos silang tanggapin ng Department of Justice (DOJ) bilang state witnesses sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Bilang bahagi ng kanilang pagiging state witness, binigyan sila ng immunity mula sa mga partikular na kasong saklaw ng kanilang kasunduan sa pamahalaan.
Nagbayad din umano ng restitution si Alcantara, o nagbalik ng pera sa kaban ng bayan, bilang bahagi ng kasunduan.
Bagama’t inalis na sa mga kasong malversation at graft sa Regional Trial Court si Alcantara, nananatili pa rin siyang respondent at testigo sa iba pang plunder cases na may kaugnayan sa matataas na opisyal.
Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y maanomalyang flood control projects na kinasangkutan ng SYMS Construction Trading, na pagmamay-ari ni Santos, at ni Alcantara bilang dating district engineer ng DPWH-Bulacan.
(JULIET PACOT)
58 