(Ni LYSSA VILLAROMAN)
Isang inter-agency task force ang binuo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na siyang magreresolba sa matinding traffic mula Cubao sa Quezon at Makati City.
Ang pagbuo ng inter-agency task force ay isinagawa ng MMDA matapos na si Pangulong Rodrigo Duterte ay magbigay ng pahayag na mapabilis ang biyahe sa katapusan ng taong ito sa mga nabanggit na lugar.
Sa pahayag ni MMDA EDSA traffic czar Bong Nebrija, sa ilalim ng naturang task force, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay i-introduce ang “engineering interventions” para hindi magdulot ng masikip na daloy ng trapiko kapag nagsasagawa ang mga ito ng road re-blocking.
Sa pamamagitan ng nilikhang task force ay magsasanib puwersa ang MMDA, Highway Patrol Group (HPG), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aminado naman si Nebrija na mahihirapan silang ma-attain ang 5 minutong biyahe ng mga behikulo.
“Pero ang sa amin, more than anything else, the way we look at it is what the President said and how he said it… Now we have a goal, kung attainable iyan o hindi”, ani Nebrija.
Ayon pa kay Nebrija na dapat magtulungan ang lahat kung nais maresolba ang matinding trapik sa Metro Manila at huwag iasa lamang ito sa pamahalaan.
“Everybody should be on board, not just the government agencies, but also the people… Disiplina ay napakalaking bagay”, dagdag pa ni Nebrija.
