PUGANTENG CHINESE NATIONAL, ARESTADO SA MAKATI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa telecom fraud sa isinagawang operasyon sa Makati City.

Kinilala ang suspek na si Zhang Jinglong, 29, na naaresto sa Mercedes Street, Barangay Bel-Air, matapos makumpirma sa intelligence information na siya ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa Guangdong, China.

Isinagawa ang operasyon ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa pangunguna ni Chief Rendel Ryan Sy, katuwang ang Philippine National Police, Makati City Police, at iba pang ahensyang paniktik.

Kasama ni Zhang nang maaresto ang tatlo pang Chinese nationals na sina Zhang Pengguang, Feng Mincong, at Zhang Yunpeng na pawang nabigong magpakita ng valid passport o anomang immigration documents.

Sinubukan pa umanong iligaw ni Zhang ang mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-angking siya ay mamamayan ng Vanuatu, taliwas sa opisyal na rekord na nagsasabing siya ay Chinese citizen.

Iniimbestigahan din ang ulat na umano’y may proteksyon siya mula sa ilang armadong indibidwal, kabilang ang isang aktibong pulis at isang reservist.

Ayon sa BI, pumasok si Zhang sa Pilipinas noong Nobyembre 2019 bilang temporary visitor ngunit nag-overstay na at saklaw ng umiiral na blacklist order.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy ang kampanya laban sa mga dayuhang sangkot sa panlilinlang at iba pang transnational crimes.

(JOCELYN DOMENDEN)

114

Related posts

Leave a Comment