NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang P65,720,000 tulong pinansyal sa 2,331 biktima ng malawakang sunog sa kahabaan ng NIA Road, Brgy. Pinyahan, Quezon City sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Personal na pinangunahan nina NHA General Manager Joeben A. Tai at Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte ang pamamahagi ng cash grants noong Marso 26, 2026 sa Risen Garden, Quezon City Hall.
Ayon kay Tai, layunin ng ayuda na matulungan ang mga benepisyaryo na makabangon at makapagsimulang muli matapos ang insidente.
“Sa direktiba ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., agad kaming nagkaloob ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng EHAP para makatulong sa inyong pagbangon,” ani Tai.
Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 955 structure owners ang tumanggap ng tig-P40,000, habang 793 renters at 583 sharers ang nakatanggap ng tig-P20,000.
Sumailalim sa screening at verification ang mga benepisyaryo batay sa datos mula sa Quezon City LGU.
Nagpasalamat naman si Belmonte sa mabilis na pagtugon ng NHA sa mga apektadong pamilya.
Ang EHAP ay programang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nawalan o nasiraan ng tahanan dahil sa sakuna upang makatulong sa muling pagpapatayo o pagkukumpuni ng kanilang tirahan.
Dumalo rin sa aktibidad ang iba pang opisyal ng NHA at lokal na pamahalaan.
(DANNY QUERUBIN)
122 