OPERATOR NG NI-RAID NA SABUNGAN, PLANONG KASUHAN ANG CIDG

PINAG-AARALAN ng operator ng ni-raid na sabungan sa Tondo, Maynila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsagawa ng operasyon noong Marso 25, 2026.

Ayon kay Alvin de Leon, operational staff ng Coliseo de Manila, wala umanong nakuhang ebidensya ang CIDG kaya naglabas ang Manila Prosecutor’s Office ng resolusyong “referred for further investigation” (RFI), na nagresulta sa pagpapalaya sa 28 empleyado ng sabungan.

Kinuwestiyon din ng mga empleyado ang patuloy na pagbabantay ng mga nakasibilyang pulis sa lugar kahit na wala pang pinal na kaso laban sa kanila.

Ipinahayag din ni de Leon na dumanas ng trauma ang ilang babaeng empleyado matapos ang raid, kung saan tinatayang nasa 50 pulis ang lumahok at umano’y may mga nagbanta pa ng pananakit.

Isang kahera ang nagsabing apektado na ang kanilang kabuhayan dahil hindi sila makapagtrabaho habang may presensya ng pulis sa lugar.

Iginiit ng operator na walang ipinakitang search warrant ang mga pulis sa operasyon. Bukod dito, may nawawala umanong mahigit 70 panabong na manok at hindi pa matukoy na halaga ng pera.

Binigyang-diin din na may permit ang sabungan at walang ilegal na online betting na nagaganap sa kanilang operasyon na nagsimula pa noong 2022.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang mga pulis na nakabantay sa lugar hinggil sa isyu.

(JESSE RUIZ)

142

Related posts

Leave a Comment