Pinalalakas ng pamahalaan ang energy security ng bansa sa gitna ng pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ralph Recto na nagbubunga na ang “synergy of public-private efforts” na ipinag-utos ni Pangulong Marcos.
Aniya, tiniyak ng mga oil company ang sapat at matatag na suplay ng langis sa kabila ng global uncertainty.
Kabilang sa mga hakbang ang pag-secure ng parehong traditional at alternative fuel sources, gayundin ang pagdating ng oil shipments mula sa Russia.
Ayon kay Recto, nakapag-order ang isang kompanya ng 1.04 milyong bariles ng diesel, na inaasahang darating ang unang batch ngayong linggo.
Tiniyak din umano ng Indonesia ang tuloy-tuloy na suplay ng coal upang mapalakas ang energy reserves ng bansa.
Binanggit din ang development sa Malampaya gas field, kung saan inaasahang magkakaroon ng bagong balon sa huling bahagi ng taon upang suportahan ang long-term energy security.
Idinagdag ni Recto na may kapangyarihan ang Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.
Samantala, pinalawig ang fuel discount program para sa 250,000 public transport drivers, habang inaasahan ding mabibigyan ng tulong ang mga magsasaka at mangingisda.
Nagpatupad din ang pamahalaan ng nationwide energy conservation program, kabilang ang inspeksyon sa mahigit 1,000 government offices upang tiyakin ang pagtitipid sa kuryente.
Ang paggamit ng mga government vehicle, maliban sa essential services, ay isinailalim din sa “strict gas diet.”
(CHRISTIAN DALE)
59 