Sinalakay nang walang search warrant HANAPBUHAY NG 300 WORKERS NG COLISEO DE MANILA, HOSTAGE?

MISTULANG hostage ngayon ang hanapbuhay ng mahigit 300 manggagawa ng Coliseo de Manila bunsod ng pagsalakay kahit wala namang search warrant, ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-NCR bago pa mag-Semana Santa, dahilan para manatiling sarado ang sabungan na patuloy pa ring binabantayan ng mga pulis.

Ayon sa daan-daang apektadong mga empleyado ng sinalakay na sabungan sa Vitas sa Tondo, Manila, hindi nila malaman kung ano ang motibo ng PNP-CIDG at patuloy silang nakabantay sa establisimyento kaya hindi ito makapag-operate dahilan para magutom ang kanilang pamilya na umaasa lamang sa arawang sahod.

Sa ginanap na pulong balitaan kamakailan sa CDM, inihayag ni Atty. Carl Jon P. Mucho ng Chavez Miranda Aseoche Law Offices, legal counsel ng nasabing cockpit arena, maituturing na ilegal ang nasabing raid dahil walang naiprisentang search o cyber warrant.

“There was no online betting system and no illegal gambling activity in our cockpit. That has not been proven because it does not exist.”

Aniya, hindi napatunayan ng sumalakay na nga awtoridad na may online sabong sa lugar at ang mga computer na kinumpiska ay bahagi ng kanilang operasyon na nagaganap lamang sa loob ng sabungan.

Ayon kay Atty. Mucho, bukas naman silang makipagtulungan sa imbestigasyon at inuunawa ang pahayag ng CIDG-NCR raiding team na inaantabayanan lamang nila ang hinihiling na warrant ng mga pulis, na ilang araw nang nakalipas.

Subalit, kinondena rin ng pamunuan ng sabungan ang isinagawang pagsalakay na umano’y ibinase lamang sa hindi umano beripikadong impormasyon, walang ebidensya at walang search warrant.

“We believe there are serious legal issues, particularly the lack of warrant. That will be resolved in the proper legal forum,” pahayag pa ng abogado.

Nabatid na hindi matanggap ng mga empleyado ang rason ng mga taga CIDG na kaya sila nanatili sa sabungan ay dahil binabantayan nila ang mga computer dito kaya’t hanggang ngayon ay nasa coliseo pa ang mga pulis kahit hanggang ngayon ay wala pa rin ang sinasabing hinihintay nilang warrant, na siya ring itinuturong dahilan ng pamunuan ng sabungan kaya nanatili silang nakasara at hindi maaaring makabalik ang mga empleyado sa kanilang mga trabaho.

May nakalap din umano silang impormasyon na hindi kinatigan ang hinihiling na warrant ng CIDG dahil sa kakulangan sa elemento ng kanilang idinudulog.

Sana umano kung talagang may nakita silang ilegal sa operation ng CDM na nauugnay sa online sabong ay kinuha na nila ang mga computer, bakit ayaw pa nilang kunin, pahayag ng mga nakapanayam na empleyado na nagtatanong, ano ba talaga ang dahilan ng mga pulis at pati hanapbuhay ng maliliit na manggagawa ay tila hostage sa nasabing raid.

Una nang tumangging magbigay ng kanilang panig o paliwanag ang mga pulis kung bakit patuloy silang nakabantay sa coliseo. Hayaan na lamang umano ang kanilang mga pinuno na siyang magbigay ng pahayag hinggil rito.

(JESSE KABEL)

26

Related posts

Leave a Comment