NAGPASALAMAT si Senate Foreign Relations Chairman Sen. Erwin Tulfo kay Korean Ambassador Lee Sang Hwa sa agarang aksyon nito hinggil sa napabalitang pagbabawal ng ilang Korean KTV at restawran sa mga Pilipino customer sa Angeles City at sa Clark, Pampanga.
Ani Sen. Tulfo, “I thank Ambassador Lee for his speedy action na kaagad niyang pinaimbistigahan ang naturang mga reklamo laban sa ilang korean-owned establishments dito sa Pilipinas”.
“May mga nagsumbong kasi na mga kababayan natin sa aking opis hinggil sa pagbawal daw ng ilang Korean ktv at restawran sa Central Luzon area na makapasok ang mga Pilipino,” dagdag pa ng senador.
Ilang araw lang ang lumipas at nagpadala ng report si Ambassador Lee kay Sen. Tulfo kalakip ang mga hakbang ng Central Luzon Korean Association para hindi na maulit ang nasabing insidente ng diskriminasyon.
Ayon kay Sen. Tulfo, “ilan sa mga hakbang na ito ay ang pagpaskil sa pinto ng mga inirereklamong KTV at restawran ng APOLOGY sa pangyayari at PROMISE na hindi na ito magtataboy ng mga kostumer lalo na kapag Pilipino”.
Aniya, nangako rin ang Korean Community Association na sisilipin at palagiang mag-iinspeksyon ng mga establisimyento kung sinusunod ng mga ito ang batas ng Pilipinas at pakikitungo sa local customers nito.
Nagpaabot din si Ambassador Lee kay Sen. Tulfo ng mensahe na kung may mga problema pa laban sa ilang Korean establishments sa bansa ay kaagad na ipagbigay alam sa kanya para agaran niyang maaksyunan.
20 