SUPORTADO ng malalaking grupo ng negosyante ang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling talakayin ang joint oil at gas exploration sa bahagi ng West Philippine Sea, partikular sa mga lugar na malapit sa Palawan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na sinusuportahan nito ang hakbang ng administrasyon na buksan muli ang usapin sa joint exploration.
Ayon kay Victor Lim, pangulo ng FFCCCII, napapanahon ang panukala ng Pangulo sa gitna ng umiiral na kawalang-katiyakan sa pandaigdigang pulitika at pabagu-bagong merkado ng enerhiya.
Bukas ang grupo sa tinukoy ng Pangulo na “prospective reset” ng negosasyon, at iginiit na dapat ihiwalay ang kooperasyong pang-ekonomiya sa mga alitang teritoryal.
Tinawag ni Lim ang hakbang bilang isang “mature at pragmatic approach” sa pamamahala ng estado.
Hinimok din ng FFCCCII ang lahat ng sektor na suportahan ang direksyon ng pamahalaan, na anila’y makatutulong sa katatagan ng rehiyon at sa pagpapatibay ng ugnayang pang-ekonomiya.
Binigyang-diin pa ng grupo na ang praktikal na kooperasyon sa larangan ng enerhiya ay mahalaga upang matiyak ang matatag, abot-kaya, at pangmatagalang suplay ng enerhiya sa bansa.
Ang pahayag ng FFCCCII ay inilabas habang muling binubuhay ng administrasyon ang usapin sa energy cooperation na dati nang nahinto dahil sa mga isyu sa konstitusyon at soberanya.
(JESSE RUIZ)
101 