MULING inilunsad ni Cainta, Rizal Mayor Kit Nieto ang libreng hapunan araw-araw para sa 300 indigent residents—isang linggo matapos siyang makarekober mula sa ikalawang operasyon sa puso.
Sa ilalim ng “CAINTAyo” feeding program, umiikot ang pantry team ng lokal na pamahalaan mula Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, upang maghatid ng pagkain sa mga benepisyaryo.
Sinimulan muli ang programa sa San Buena Compound sa Brgy. Sto. Domingo at susundan pa ng iba pang komunidad kabilang ang informal settlers sa Gruar Compound.
Upang matiyak ang kalinisan, ginagamit ang One Arena bilang kusina kung saan inihahanda ang pagkain.
“Buffet-style ang ginagawa namin para maiwasan ang sayang sa pagkain,” ani Nieto.
Dagdag pa ng alkalde, balak nilang ipagpatuloy ito buong taon upang makatulong sa mga pamilyang hirap sa gitna ng krisis.
Nilinaw rin ni Nieto na hindi niya hinahayaan ang mga selfie kasama siya upang hindi mahaluan ng pulitika ang programa.
(NEP CASTILLO)
103 