MULING napatunayan na lubhang mahalaga ang isinasagawang seaborne operations ng Philippine Navy sa pagsugpo ng pamimirata at smuggling sa mga karagatan ng Pilipinas, nang muli na namang makasabat ang Western Mindanao Naval Command (WMNC) ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P64.4 milyon, sa dagat na sakop ng Sulu.
Sa ipinarating na ulat sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Q. Ezpeleta PN, nasabat ng mga tauhan ng WMNC- Naval Task Force 61, ang isang motor banca na may kargang contraband cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P64.4 milyon sa isinagawang routine maritime patrol operations sa Sulu nitong nakalipas na linggo.
Nang rekisahin ng mga tauhan ng Philippine Navy, ang nasabat na MB Princess Zia na may anim na tripulante, ay nadiskubre ang iba’t ibang foreign-brand cigarettes na walang kaukulang dokumento.
Bukod sa nasamsam na kontrabando na binubuo ng 460 master cases at 44 reams, kinumpiska rin ang motor banca na tinatayang nagkakahalaga ng P400,000.00.
Kinumpirma ni Army Lt. Gen. Donald Gumiran, commander ng Western Mindanao Command, ang pagkakahuli sa M/B Princess Zia ng mga tauhan ng Navy sa bisinidad ng Marungas island sa Sulu, habang papalapit sa dalampasigan.
Samantala, sa report na isinumite ni WMNC Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., sa punong himpilan ng Hukbong Dagat sa Maynila, isinalin na nila sa kustodiya ng Bureau of Customs – Port of Zamboanga, ang nasabat na motor banca at crew nito gayundin ang nakumpiskang kontrabando para sa appropriate legal proceedings.
Tiniyak ng WMNC, walang humpay ang kanilang isinasagawang maritime patrol operations para pangalagaan ang karagatan ng bansa at masupil ang pagpasok ng illegal goods, kaugnay sa kanilang mandato na pagpapatupad ng maritime laws at pangalagaan ang national borders ng bansa.
(JESSE RUIZ)
111 