TATALAKAYIN ng House mega panel ang lahat ng posibleng hakbang upang mapagaan ang epekto ng oil crisis, kabilang ang pansamantalang pagsuspinde ng 12% value-added tax (VAT) sa petroleum products.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo, bukas ang Kamara sa iba’t ibang opsyon para mapababa ang presyo ng langis.
“We are open to all options, even proposals on the suspension of VAT or other price reduction methods,” ani Quimbo.
Isinasagawa ang pagdinig sa ilalim ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) committee, na binubuo ng 13 komite sa Kamara.
Sinabi ni Quimbo na layunin ng panel na makabuo ng pangmatagalang solusyon at hindi lamang pansamantalang tugon sa krisis.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga tinitingnang long-term solution ang paglipat ng kalahati ng government vehicles sa electric upang mabawasan ang pagdepende sa langis.
Binanggit din ang pagbibigay ng insentibo sa mga mamumuhunan sa renewable energy, kabilang ang solar at battery production, upang palakasin ang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.
(TINA MENDOZA)
110 