GOITIA: WALANG UURONG, WALANG SUSUKO SA WEST PHILIPPINE SEA

MARIING kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y pananakot ng China matapos paputukan ng flares ang eroplano ng Philippine Coast Guard habang nagsasagawa ng patrol sa West Philippine Sea.

Ayon kay Goitia, malinaw na anyo ito ng intimidation na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga tauhan ng bansa.

Nangyari ang insidente noong Abril 6 malapit sa Panganiban Reef at Zamora Reef kung saan nagsasagawa ng regular na patrol ang PCG upang bantayan ang karagatan at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.

“Isa itong malinaw na pananakot. Walang bansa na kumikilos nang ayon sa batas ang dapat ilagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga tauhan,” ani Goitia.

Binigyang-diin niya na ang presensya ng Pilipinas sa naturang lugar ay lehitimo at alinsunod sa pandaigdigang batas, at hindi isang provokasyon.

Kasunod ng insidente, pinasinayaan naman ang bagong Coast Guard base sa Pag-asa Island—isang hakbang na ayon kay Goitia ay nagpapakita ng patuloy na pagpapatibay ng presensya ng bansa sa lugar.

Aniya, hindi ito agresyon kundi bahagi ng karapatan ng Pilipinas na pangalagaan ang sariling teritoryo.

“Kapag ang diyalogo ay napapalitan ng panggigipit, hindi na ito simpleng hindi pagkakaunawaan. Ito ay pagtatangkang magdikta, at dapat itong tutulan,” dagdag pa niya.

Tinukoy rin niya ang sunod-sunod na insidente tulad ng water cannon, laser harassment, at mapanganib na maniobra sa dagat na aniya’y nagpapakita ng pattern ng pressure laban sa Pilipinas.Sa kabila nito, iginiit ni Goitia na hindi dapat umatras ang bansa.

“Ang soberanya ay hindi ipinagtatanggol sa salita lamang. Ipinapakita ito sa presensya, sa tapang, at sa paninindigan,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang laban ay hindi lamang tungkol sa teritoryo kundi sa paninindigan kung papayag bang magpatalo sa pananakot.

Nanindigan si Goitia na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagpapatrolya at paggiit ng karapatan sa West Philippine Sea.

“Hindi tayo magpapasindak sa sarili nating karagatan,” aniya.

Ang pahayag ay inilabas sa gitna ng panibagong tensyon sa pinag-aagawang karagatan, kung saan muling pinagtitibay ng Pilipinas ang paninindigan nito sa soberanya.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).

81

Related posts

Leave a Comment