MAAARING ituring na labag sa Konstitusyon ang pag-realign sa iba pang prayoridad ng gobyerno sa pondo na hindi nagamit ng Commission on Elections (Comelec), sa harap ng posibleng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon ito kay Comelec Chairman George Garcia, habang isinusulong ng ilang mambabatas ang pagpapaliban sa BSKE at ang muling pag-realign ng mga hindi nagamit na pondo nito para sa pagtugon ng gobyerno sa krisis sa enerhiya.
Ayon kay Garcia, maaaring ipagpaliban ang eleksyon dahil iyan aniya ay kapangyarihan ng mga mambabatas subalit kung gagamitin sa ibang bagay ang pondo na naka-allocate sa eleksyon ay hindi puwede dahil ipinagbabawal ito ng Saligang Batas.
Humigit-kumulang P16 bilyon ang natitira mula sa P19 bilyong BSKE budget ng Comelec. May humigit-kumulang P3 bilyon ang nagastos na sa paghahanda.
Nagpahayag si Garcia ng pagkabahala sa mga panukala at binanggit ang mga limitasyon ng Konstitusyon sa muling pag-align ng pondo.
Ayon pa kay Garcia, dapat mapag-isipan ang legalidad dahil maaaring ‘yan din ang makitang dahilan ng Korte Suprema para mabalewala ang magandang plano o inisyatiba na ipagpaliban ang BSKE.
Sinang-ayunan naman ni Senator Ping Lacson ang pahayag ni Garcia na labag sa Konstitusyon ang pag-realign sa pondo ng Comelec ngunit binanggit na maaaring ideklara ng Comelec ang mga hindi nagamit na pondo bilang savings at ibalik ito sa National Treasury.
“Tama iyan. Kung hindi nagamit ang pondo maaaring ituring na savings at ibalik sa National Treasury,” ayon naman kay Garcia.
Ang BSKE na orihinal na itinakda sa Disyembre 1, 2025 ay inilipat sa Nobyembre 2, 2026 kasunod ng pagpapalawig sa termino ng lahat ng mga opisyal ng barangay at SK sa apat na taon.
(JOCELYN DOMENDEN)
116 