ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO
SA gitna ng patuloy na panawagan para sa reporma sa gobyerno, isang malinaw na usapin ang hindi dapat ipagwalang-bahala: ang karapatan ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa kanilang ipinangakong benepisyo—lalo na ang cash reward na matagal nang hindi naibibigay.
Hindi maikakaila ang kahanga-hangang tagumpay ng BOC nitong 2025.
Nakapagtala ito ng rekord na koleksyon na umabot sa P934.4 bilyon—mas mataas ng P17.7 bilyon o 1.9% kumpara noong 2024.
Sa kabila ito ng mga hamon tulad ng mababang volume ng importasyon at pagbagsak ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa pandaigdigang merkado.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng digital reforms at pinaigting na enforcement laban sa smuggling at iba pang katiwalian.
Ngunit sa likod ng mga numerong ito ay ang mga taong tunay na nagtrabaho—ang mga rank-and-file na empleyado ng BOC na araw-araw na nakikipagsapalaran upang matiyak ang maayos na koleksyon ng buwis at pagpapatupad ng batas.
Nakalulungkot isipin na huling nakatanggap ng cash reward ang mga empleyado noong 2018 pa.
Mahigit pitong taon na ang lumipas, ngunit nananatiling pangako na lamang ang insentibong dapat sana’y nagsisilbing pagkilala sa kanilang kontribusyon.
Dito pumapasok ang kahalagahan ng Lateral Attrition Law. Ang batas na ito ay nilikha upang tiyakin na ang mga ahensyang tulad ng BOC ay mananagot sa kanilang performance—may gantimpala kung lumampas sa target, at may kaakibat na pananagutan kung pumalya.
Kung naabot, at higit pa sa naabot, ang target, hindi ba’t makatarungan lamang na maibigay ang nararapat na reward?
Ang hindi pagbibigay ng insentibo ay hindi lamang usapin ng pera.
Ito ay usapin ng morale, ng katarungan, at ng pagtupad sa pangako ng gobyerno sa sarili nitong mga tauhan.
Paano natin hihikayatin ang mas mahusay na serbisyo kung ang mga nagtatagumpay ay hindi naman kinikilala sa konkretong paraan?
Kung tunay na seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa katiwalian at pagpapalakas ng koleksyon, dapat itong magsimula sa loob—sa pagbibigay halaga sa mga taong gumagawa ng tama.
Ang mga empleyadong tapat at masipag ay dapat suportahan, hindi pinaghihintay.
Panahon na upang ipatupad nang buo ang Lateral Attrition Law.
Panahon na upang ibigay ang matagal nang ipinangakong cash reward.
Hindi ito pabor—ito ay karapatan.
127 