DMW, ‘DI PA NAGBABAYAD SA COURIER NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ILANG linggo na ang nakalipas matapos ang pag-deliver ng nasa 25 container na naglalaman ng mga abandonadong balikbayan boxes na ipinadala ng Makati Express at Tag Cargo.

Pumayag na nga sa P5 milyon ang Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) na siyang naatasang i-deliver ang abandonadong balikbayan boxes na nakatengga sa Bureau of Customs (BOC), sa offer ng Department of Migrant Workers, ngunit hindi pa ito nababayaran.

Kung susumahin, nasa 5,000 ang mga nabulok at nawasak na balikbayan boxes na natengga sa BOC sa loob ng 3 hanggang 4 na taon, pero mas pinili pa rin ng customs na i-deliver ito sa mga may-ari sa pamamagitan ng kasunduan sa pagitan ng DDCAP at DMW.

Ang problema ngayon ay ‘di nagpaparamdam itong DMW sa DDCAP kahit tapos na mag-deliver ng mga kahon sa Davao (Visayas at Mindanao area) at Manila port (Luzon area).

Nagtataka tuloy ako kung bakit tila hirap na hirap magbayad ng DMW dahil sa pagkakaalam ko ay inilabas na ng Department of Finance (DOF) ang pondo para rito bilang tulong sa mga OFW na may-ari ng mga kahon.

Ang tanong nga ay bakit ‘di nila mabitiwan ang pondong nakalaan sa deliveries ng balikbayan boxes na noong nakaraang taon pa naaprubahan.

Naiintindihan naman natin na may krisis ngayon sa Gitnang Silangan pero ang usapin sa kaso ng mga balikbayan box ay matagal na, noong hindi pa nagkakagiyera. Hindi ito pwedeng gamiting dahilan ng DMW. Hindi nila pwedeng sabihin na ang pondong nakalaan sa mga balikbayan box ay inilaan sa repatriation ng mga OFW dahil unang-una ay hindi doon nakalaan ang pondo.

May sariling pondo ang DMW para sa mga OFW sa Gitnang Silangan, at ang pondo ng mga balikbayan box ay nauna nang inilabas ng DOF.

Ayaw man nating pag-isipan ng masama ang ahensya, pero hindi natin maalis na magtanong. Bakit nga ba ayaw bitiwan ang pondong nakalaan na pambayad sa deliveries ng mga balikbayan box?

Baka sa susunod na manghingi ng tulong ang DMW sa DDCAP, hindi na kayo makalapit ulit.

112

Related posts

Leave a Comment