NANAWAGAN si Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega kay Vice President Sara Duterte na isauli ang P73.287 milyon na confidential expenses na disallowed ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Ortega, mahalagang maipakita ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan, lalo na kung ito ay kinuwestiyon ng COA.
Batay sa ulat, ibinasura ng COA ang motion for reconsideration ng Office of the Vice President kaugnay ng naturang disallowance. Kapag naging pinal ang desisyon, kinakailangan ibalik ang nasabing halaga na ginamit noong Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Sa kabuuang halaga, P69.787 milyon ang inilaan sa rewards habang P3.5 milyon naman ang ginastos sa pagbili ng kagamitan tulad ng mesa, upuan, computer at printer.
Iginiit ni Ortega na hindi maliit na halaga ang naturang pondo at dapat itong tugunan alinsunod sa itinakda ng COA.
Dagdag pa niya, umaabot sa P375 milyon mula sa confidential funds ng Office of the Vice President para sa unang tatlong quarter ng 2023 ang patuloy na kinukwestiyon ng COA.
(TINA MENDOZA)
94 