IMBENTONG KASO LABAN KAY ESCUDERO, MAHINA KUNG SUSUNDIN ANG BATAS

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

MAY inihahandang plunder case ang Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, ngunit idinadamay ni Boying Remulla si Senator Chiz Escudero. Kung plunder ang akusasyon, nasaan ang yaman?

Sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Act, malinaw ang requirement. Dapat may ill-gotten wealth, o yaman na nakuha at naipon mula sa ilegal na gawain at hindi maipaliwanag ang pinagmulan.

Kung wala nito, walang plunder case.

Hindi sapat ang paratang. Kailangan may ebidensya ng aktwal na pagyaman o “actual enrichment.”

Sa mga lumabas na isyu, wala namang matibay at direktang ebidensya na nagpapakitang may personal na pakinabang si Escudero. Walang bank records, walang bagong ari-arian, at walang dokumentong nag-uugnay sa kanya sa anomang nakaw na yaman.

Sa katunayan, si Escudero pa ang nagbukas ng isyu laban kay Romualdez. Ayon kina Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at Senate Blue Ribbon Chairman Ping Lacson, ang ghost flood control projects ay tumindi noong 2023 at 2024. Sa panahong iyon, si Romualdez pa ang Speaker. Sa Senado naman, si Senator Migz Zubiri pa ang Senate President, hindi si Escudero.

Makikita sa timeline na wala si Escudero sa posisyon ng kapangyarihan noong naganap ang mga anomalya sa national budget. Ang budget na ito ay tinawag pa ng mga kritiko bilang pinaka-corrupt sa kasaysayan, at si Romualdez ang numero unong itinuturo.

May mga lumabas ding ulat tungkol sa mga ari-arian ni Romualdez. Kabilang dito ang mansyon sa Sotogrande, Spain na nagkakahalaga ng P444.5-P471.8 milyon, at property sa Dover, Massachusetts na nagkakahalaga ng $2.24 milyon o P130.5 milyon. Mayroon pa siyang estates sa Forbes Park at Amanpulo luxury villa. Ibig sabihin, may sapat na basehan para sa plunder kung tututukan ang imbestigasyon.

Kung ganoon, bakit isinasama si Escudero? Sinusubukan bang bawasan ang bigat ng kaso laban kay Romualdez? Kung malakas ang ebidensya laban sa isa, bakit mahina sa isa pa? May inaasahan bang resulta na pabor kay Romualdez kapag napawalang-sala si Escudero?

May pahayag din ang Ombudsman na nagsimula ang anomalya noong panahon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Para sa marami, tila pinalalawak ni Remulla ang timeline upang mabawasan ang pananagutan ng kasalukuyang mga personalidad, gaya ni Romualdez.

Sa huli, nananatiling tanong kung ito ba ay paghahanap ng hustisya o isang paraan para ilihis ang pananagutan ni Romualdez.

104

Related posts

Leave a Comment