NANAWAGAN si Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa gobyerno na magpatupad ng pagbabago sa sistema ng distribusyon ng ayuda kasunod nang pagkamatay ng isang motorcycle taxi rider kamakailan.
Kasabay nito, hiniling din ni Ordanes ang 90 na araw na suspensyon sa pagpapataw ng 12% value added tax (VAT) sa mga produktong-petrolyo o mas mababang VAT sa mas matagal na panahon.
“Hindi dapat ganito dinaranas ng ating mga kababayan. May namamatay habang naghihintay ng tulong. May mali sa sistema kung ganito ang kapalit,” diin ng mambabatas.
Binigyang-diin ng kongresista na maraming senior citizens ang kabilang sa mga benepisyaryo ng mga ayuda at delikado sa kanila ang pumila nang matagal sa ilalim ng matinding sikat ng araw.
Ikinatwiran ni Ordanes na kung aalisin muna ang VAT sa mga produktong-petrolyo mas marami ang makikinabang at hindi lamang ang iilan na napili para makatanggap ng ayuda.
“Ayuda is selective and often slow. Sa VAT reduction o suspension, mas diretso ang tulong at mas mabilis na mararamdaman,” sabi pa nito.
Aniya anoman ang matitipid sa pagsuspinde o pag-alis ng VAT ay maaaring idagdag ng konsyumer sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan.
Ipinaabot na niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang apila at panukala.
106 