Ilegal na nakapasok sa bansa 2 DAYUHAN TIMBOG SA PANUNUHOL AT PEKENG PLAKA

KALABOSO ang isang Chinese at isang Malaysian national dahil sa pekeng plaka at panunuhol sa Roxas Blvd. sa Pasay City.

Sa isinagawang press conference sa Camp Crame, sinabi ni PNP-HPG spokesperson, PLt. Nadame Malang, nahuli ang dalawang dayuhan na lulan ng isang mamahaling sasakyan.

Una rito, ininspeksyon ng mga awtoridad ang mamahaling sasakyan kung saan nakasakay ang mga suspek, at tumambad sa kanila ang mga pekeng plaka, bonnet, airsoft gun at bala nito.

Sinabi ni Malang, inaalam pa ng mga awtoridad kung posibleng konektado ang dalawa sa kidnapping group.

Batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumitaw na walang record of entry sa bansa ang dalawang dayuhan na napag-alamang mga negosyante.

Bukod dito, napag-alaman din na may kinahaharap ng reklamo na konektado sa ilegal na droga at pagmamay-ari ng armas ang Malaysian.

Samantala, matapos mahuli, nagtangkang manuhol ng P200,000 ang mga suspek sa arresting officers para sa kanilang kalayaan.

Bunsod nito, nahaharap din ang mga suspek sa reklamong corruption of public officials.

(TOTO NABAJA)

79

Related posts

Leave a Comment