ARSON SINISILIP SA SUNOG NA KUMITIL NG 6 BUHAY SA URDANETA CITY

PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng arson probers mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring sunog sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City na ikinamatay ng anim katao.

Nabatid na kasalukuyang sinisiyasat ang pinagmulan ng sunog na ikinamatay ng anim katao kabilang ang dalawang bata.

Dalawang bahay ang naabo sa nasabing sunog noong Lunes ng madaling araw sa Barangay Nancayasan.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang onse-anyos na batang babae, dalawang lola na may edad na 72, at 59-anyos, at dalawang lalaki na may edad na 45, at 42-anyos.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang alas-2:00 noong Lunes ng madaling araw base sa ibinahaging impormasyon ng 36-anyos na babae na unang nakapuna ng usok na nagmumula sa ground-floor kitchen.

Ayon sa salaysay nito, nang bumaba siya sa hagdanan ay puno na ng usok ang lugar at mabilis na kumalat ang apoy.

Matapos ang mahigit dalawang oras, idineklarang fire under control ng BFP ang sunog subalit abo na ang dalawang bahay, isa rito ay pag-aari ng isang babae na naninirahan sa Hawaii.

(JESSE RUIZ)

71

Related posts

Leave a Comment