MARIING pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense ang alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental na ikinasawi ng 19 katao.
Ayon sa AFP, ang operasyon ay isang “lawful, intelligence-driven operation” laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA), at hindi pag-atake sa sibilyan.
Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang basehan ang paratang laban sa militar, habang kinuwestiyon ang presensya ng ilang indibidwal sa lugar ng engkuwentro, kabilang ang isang estudyante.
Sinabi naman ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na ang alegasyon ng human rights violations ay dapat dumaan sa tamang legal at institusyunal na proseso, hindi sa “trial by social media.”
Nanawagan ang Philippine Army sa publiko na maging mapanuri, iwasan ang misinformation, at suportahan ang fact-based na diskurso sa gitna ng kumakalat na mga ulat online.
(JESSE RUIZ)
124 