SINING AT MUSIKA PARA SA KAPAYAPAAN TAMPOK SA TLC COMMUNITY FAIR SA TAGUIG

TAGUIG CITY — Naghahanda ang Lungsod ng Taguig ng serye ng aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-439 anibersaryo ng pagkakatatag nito, kabilang ang Art and Music for Peace: TLC Community Fair na magsisimula sa Abril 24.

Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng kaganapan na pagsama-samahin ang mga komunidad sa pamamagitan ng sining at musika, at isulong ang mensahe ng kapayapaan, pagkakaisa at pag-asa.

Tampok sa fair ang dalawang pangunahing aktibidad—ang Meeting of Styles Philippines at Tugtog Taguig: Himig ng Kapayapaan.

Magbabalik ang Meeting of Styles Philippines mula Abril 24 hanggang 26, tampok ang mahigit 100 lokal at internasyonal na artist na lilikha ng malalaking mural at sasali sa iba pang aktibidad gaya ng live art demo at kompetisyon.

Samantala, isasagawa ang Tugtog Taguig: Himig ng Kapayapaan sa Abril 24 at 25, na magtatampok ng mga lokal na performer at OPM artists, kabilang sina Earl Agustin at This Band.

Ayon sa lungsod, bahagi ang naturang inisyatibo ng patuloy nitong pagsisikap na gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng anibersaryo sa pamamagitan ng mga programang nagtataguyod ng kultura at pagkakaisa.

(Danny Bacolod)

83

Related posts

Leave a Comment