IGINIIT ng Malacañang na walang “premature” sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na napaulat na nahuli sa Prague.
Nauna nang iniulat na si Co ay naharang ng mga awtoridad sa Czech Republic.
Tinanong ng mga mamamahayag si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay ng umano’y hindi beripikadong impormasyon na ibinahagi ng Pangulo tungkol sa kalagayan ni Co.
“Ano ba ang inanunsyo ng Pangulo? Hindi ba ang inanunsyo ng Pangulo na, unang-una, ay nahuli si Zaldy Co—totoo naman; nasa kustodiya ng Czech Republic—totoo naman; ang sabi ng Pangulo, nakikipag-coordinate tayo sa Czech Republic—totoo naman. So anong premature doon? Walang premature doon,” ani Castro.
Nauna rito, ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) na hindi umano “technically” o literal na naaresto ng Czech Republic si Co.
Matatandaang kinumpirma ni Pangulong Marcos ang pagkakahuli kay Co sa pamamagitan ng pahayag sa kanyang Facebook post noong gabi ng Huwebes, Abril 16, 2026.
Ayon kay Castro, walang mali sa anunsyo ng Pangulo dahil ang ibig sabihin nito ay nasa kustodiya ng Czech Republic si Co o napigilan ang kanyang galaw ng mga awtoridad doon.
(CHRISTIAN DALE)
41 