DA NAGLATAG NA NG HAKBANG LABAN SA BANTA NG EL NIÑO

NAGLATAG na ang Department of Agriculture (DA) ng mga kongkretong hakbang upang matugunan ang banta ng El Niño at maprotektahan ang sektor ng agrikultura laban sa epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Lunes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi na bago sa bansa ang El Niño kaya maagap nang kumikilos ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto nito sa mga magsasaka at suplay ng pagkain.

Ayon kay Castro, inatasan na ng DA ang National Irrigation Administration (NIA) na tukuyin ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng kakulangan sa tubig, kabilang ang mga saklaw ng pangunahing irrigation systems gaya ng Magat Dam at Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS).

“Handa ang DA sa mga konkretong hakbang para maagapan ito. Inatasan ang National Irrigation Administration na tukuyin pa ang mga lugar na maaapektuhan ng kakulangan ng tubig, kabilang na rito ang mga saklaw ng mga sistemang tulad ng Magat, UPRIIS at iba pang irrigation systems,” ani Castro.

Kabilang din sa mga hakbang ng DA ang mas detalyadong pagmamapa sa mga rainfed o umaasa sa ulan na sakahan upang matukoy ang mga lugar na higit na maaapektuhan ng El Niño.

Sinabi ni Castro na pinangungunahan ito ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), katuwang ang Bureau of Soils and Water Management (BSWM) at mga regional field offices ng DA, na pinaigting ang monitoring sa mga lugar na bulnerable sa El Niño upang maipatupad ang localized interventions at agarang suporta sa mga magsasaka.

Nauna nang tiniyak ng administrasyon ang patuloy na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

(CHRISTIAN DALE)

37

Related posts

Leave a Comment