NASAAN SI ZALDY CO?

Syanong Detektib 

NAKABIBINGI ang pananahimik ng mahadera sa Palasyo sa usapin ng dating party-list congressman na kabilang sa mga kapural sa likod ng kontrobersyal na flood control scandal.

Dangan naman kasi, nakuryente ang kanyang amo — hindi lang minsan, dalawang beses pa.

Mahigit isang linggo na ang nakaraan nang personal na ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y pag-aresto kay former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Czech Republic.

Tiniyak pa ni Marcos ang agarang pagbabalik sa bansa ng puganteng kongresista, sa paniwalang may nakuha na ng Red Notice ang kanyang paboritong Kalihim, na kanyang inatasan makipag-ugnayan sa Interpol.

Nang napagtanto ni Marcos na tinulugan ng Kalihim ang kanyang direktiba, pinapunta si Justice Secretary Frederick Vida sa naturang bansa para makipag-ugnayan sa Czech government at hilingin ang deportation (kung hindi man repatriation) ni Co pabalik sa bansa.

Ang siste, wala nang naabutan si Vida. Wala na sa kustodiya ng Czech government si Co. Kasi nga, fake news pala ang paandar ng Pangulo sa pagkakaaresto kay Co.

Ang masaklap, wala rin impormasyon ang DOJ chief kung nasaan na ngayon ang puganteng mambabatas na aminadong sangkot sa dambuhalang anomalya.

Pero teka, parang may mali. Hindi ba’t kinaladkad ni Co ang pangalan ni Marcos at ni dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control scandal? Aniya, pinakamalaki ang kinita ng magpinsan.

Sakaling makabalik sa Pilipinas si Co, pihadong malalagay sa balag ng alanganin si Marcos. Nais nga ba talaga ni Marcos makabalik sa bansa si Co? Sa tingin ko, hindi!

Sa aking abang pananaw, sadyang hindi pinakilos ni Marcos ang kanyang mga alipores para mag-apply ng red notice sa Interpol. Drama lang din ang mga kapana-panabik na tagpo sa isyu ng katiwalian.

Pati ang freeze order sa ilang ari-arian ni Romualdez, bahagi lang ‘yan ng teleserye.

Isa lang ang totoo sa mga kaganapang bumabalot sa usapin ng flood control scandal. Lahat sila nakinabang habang ang sambayanan ay gumagapang sa kahirapan.

Sa lahat ng mga nangyari sa nakalipas na 10 araw, tikom ang bunganga ni Ante Kler.

70

Related posts

Leave a Comment