PNP MAJOR NA NADAWIT SA E-SABONG NASA RESTRICTIVE CUSTODY NA

INILAGAY na sa restrictive custody ang isang police major ng Philippine National Police (PNP) matapos masangkot sa alegasyon ng pagbibigay-proteksyon sa ilegal na “e-sabong” sa Negros Island, ayon sa pahayag ng ahensya nitong Martes.

Ayon sa PNP, sinibak na rin sa puwesto ang hindi pinangalanang opisyal habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa umano’y illegal gambling network na kanyang kinasasangkutan.

Sinabi ni Police General Jose Melencio Nartatez Jr., Chief ng PNP, na iniutos na rin ang pinaigting na intelligence monitoring at case buildup laban sa iba pang pulis na posibleng sangkot sa ilegal na aktibidad.

“The officer has since been relieved from his post and placed under restrictive custody as part of an expanding probe into the alleged gambling network,” ayon sa PNP.

Ayon pa kay Gen. Nartatez, hindi niya pinaniniwalaang nag-iisa ang naturang opisyal sa operasyon, kaya’t inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na palakasin ang surveillance at information gathering laban sa mga tiwaling tauhan.

Binalaan din ng PNP Chief ang mga unit commander hinggil sa command responsibility, at sinabing maaari silang managot kung mapatutunayang may sangkot sa ilegal na gawain sa kanilang nasasakupan.

Tiniyak ni Gen. Nartatez na personal niyang babantayan ang kaso at sisiguraduhin ang pagsasampa ng kaukulang kriminal at administratibong reklamo alinsunod sa due process.

(JESSE RUIZ)

98

Related posts

Leave a Comment