ILAW, TARGET IPAAYOS KURYENTE SA ILANG TOURIST ISLANDS

INIHAYAG ng grupong ILAW na matinding naapektuhan na ng problema sa suplay ng kuryente ang ilang pangunahing tourist destinations sa bansa kabilang ang Siquijor, Camiguin at Masbate.

Matatandaang kabilang ang mga nasabing isla sa mga madalas puntahan ng mga turista lalo na tuwing peak season mula Pebrero hanggang Mayo.

Ayon kay ILAW national convenor Beng Garcia, umaaray na ang mga negosyante, partikular ang mga nasa micro, small and medium enterprises (MSMEs), dahil sa madalas na problema sa kuryente sa kanilang mga lugar.

Aniya, matagal nang suliranin ang rotational brownouts at unstable power supply lalo na’t marami sa mga maliliit na negosyo ang walang sariling generator sets.

Dagdag pa ni Garcia, sa bawat brownout ay tinatayang umaabot sa P8,000 hanggang P100,000 ang nawawalang kita ng mga negosyo sa tatlong lugar.

Sinabi rin nito na bagama’t mataas ang binabayarang electricity bills ng consumers, nananatili namang mababa ang kinikita ng mga residente at negosyante dahil sa patuloy na power interruptions.

Ayon pa sa grupo, marami nang reklamong inihain ang mga negosyante laban sa mga electric cooperative ngunit nananatili umanong hindi naaaksyunan ang kanilang mga hinaing.

Maging ang mga lokal na pamahalaan anila ay limitado rin ang kakayahang tugunan ang problema sa suplay ng kuryente.

Dahil naman sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, marami na rin umanong negosyo ang hindi na gumagamit ng generator sets dahil sa mahal na operational cost.

Bukod sa mga negosyo, apektado rin umano ng madalas na brownouts ang mga ordinaryong empleyado at manggagawa sa mga nasabing isla.

(JULIET PACOT)

69

Related posts

Leave a Comment