PGMN FOUNDER FRANCO MABANTA INARESTO NG NBI

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KALAT na ang balita sa pagkakahuli kay Franco Mabanta (may-ari ng Peanut Gallery Media Network), ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa robbery extortion umano nito kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa pahayag ng NBI, kinikikilan ni Mabanta si Romualdez ng P350M na naibaba raw sa P300M kapalit ng hindi nito paglalabas ng special report sa kanyang social media page na PGMN.

Ang PGMN ay binuo ni Mabanta noong 2024 at isa itong political and news commentary page na mapapanood sa mga social media sites tulad ng Facebook, YouTube, Instagram at Tiktok.

Sa balita, makikita ang palihim na kuha ng mga operatiba ng NBI kay Mabanta sa isang meeting na ginanap sa isang hotel sa Makati.

Ayon sa report, hindi raw tinanggap ni Mabanta ang pera na dala ng mga operatiba dahil marami raw CCTV sa naturang hotel.

Pero nagbigay ito ng instruction na dalhin na lang ang pera na nagkakahalaga ng P75 milyon, sa isang country club sa Makati.

Doon ay sinalakay ng NBI operatives ang kuwarto kung saan dinala ng mga tumanggap ang mga maleta na naglalaman ng marked money at nagulat di-umano ang mga ito dahil nandoon na pala itong si Mabanta.

Sa isang pahayag sa FB page ng PGMN, itinanggi ni Mabanta na nangingikil sila ng pera at sinabing ito ay isang setup.

Ibinunyag din nito na tapos na ang kanilang investigation sa flood control anomaly na sangkot ang dating House Speaker at malapit na itong ilabas kaya raw siya ipinahuli sa NBI.

Pero teka, ang pahayag na ito ni Mabanta ay nagresulta sa mas maraming katanungan kaysa kasagutan.

Una, bakit nalaman ni dating House Speaker Martin Romualdez na mayroong special report na ilalabas ang PGMN na nagdadawit sa kanya sa flood control anomaly issue?

Ang sistema kasi ng mga lehitimong media news organization ay ginagawa ang mga expose o special reports nang hindi nalalaman ng subject.

Kinukuha na lang ang reaksyon ng subject ng report o expose kapag nailabas na ito.

Kung ganoon ay bakit nalaman ni Cong. Martin Romualdez na mayroon ngang special report laban sa kanya na ilalabas nina Mabanta?

91

Related posts

Leave a Comment