TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ngayon na patuloy na tumataas ang halaga ng pagpapagamot, tunay na napakahalaga ng mga panukalang batas na naglalayong ilapit ang serbisyong medikal sa ordinaryong mamamayan.
Marami pa ring mga Pilipino ang napipilitang mangutang, magsanla ng ari-arian, o huminto sa pagpapagamot dahil sa kakulangan ng sapat na pera.
Kaya naman mahalagang maisulong ang mga programang direktang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap at matatanda.
Isa sa mga pangunahing suliranin sa bansa ay ang mataas na gastusin sa dialysis. Para sa mga pasyenteng may sakit sa bato, hindi lamang pisikal na hirap ang kanilang dinaranas kundi pati matinding problemang pinansyal.
Sa bawat sesyon ng dialysis, malaking halaga agad ang kinakailangan kaya maraming pamilya ang halos mawalan ng pag-asa.
Dahil dito, makabuluhan ang pagsusulong sa House Bill No. 8932 o Accessible Dialysis Centers Act na naglalayong magtayo ng dialysis units sa mga pampublikong ospital at magbigay ng libreng serbisyo para sa indigent patients.
“Hindi dapat maging dahilan ang kahirapan upang mawalan ng pagkakataon ang isang Pilipino na mabuhay nang mas matagal at mas maayos. Sa pamamagitan ng libreng dialysis at mas accessible na health services, nais nating maipadama na may gobyernong handang umalalay sa mga nangangailangan,” pahayag ni Cong. Jeffrey Soriano ng ACT-CIS Party-list.
Aba’y sa pamamagitan ng panukalang ito, mas maraming mahihirap na Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong mabuhay nang mas matagal at mas maayos.
Hindi na nila kakailanganing bumiyahe nang malayo o gumastos nang malaki para lamang makapagpagamot.
Kapag nailapit ang serbisyong medikal sa mamamayan, mas nagiging makatao at patas ang sistemang pangkalusugan ng bansa.
Samantala, hindi rin dapat kalimutan ang kalagayan ng ating mga senior citizen na matagal nang nagsakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad. Marami sa kanila ang hirap na hirap makabili ng pustiso, hearing aid, at salamin dahil sa kamahalan ng mga ito.
Ang simpleng kakulangan sa mga health aid na ito ay may malaking epekto sa kanilang araw-araw na pamumuhay at maging sa kanilang dignidad bilang tao.
Kaya naman mahalagang maisabatas ang House Bill No. 8532 o Free Health Aids for Seniors Act. Sa pagbibigay ng libreng pustiso, hearing aid, at salamin sa indigent senior citizens, mas mapabubuti ang kanilang kalusugan, komunikasyon, at kumpiyansa sa sarili. Isa itong malinaw na pagkilala sa halaga at kontribusyon ng matatanda sa lipunan.
“Ang ating mga nakatatanda ay hindi dapat mapabayaan. Ang simpleng pustiso, hearing aid, at salamin ay malaking tulong upang maibalik ang kanilang kumpiyansa at mapagaan ang kanilang araw-araw na pamumuhay. Karapatan nilang makatanggap ng maayos at makataong serbisyo,” dagdag pa ni Cong. Soriano.
Sabi nga, ang tunay na sukatan ng maayos na pamahalaan ay kung paano nito pinangangalagaan ang mga mahihina at nangangailangan.
Ang mga ganitong panukala na may kinalaman sa libreng dialysis at health aids para sa seniors ay hindi lamang simpleng bill kundi isang hakbang tungo sa mas makatao, makatarungan, at inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
85 