PAGLILINIS SA HANAY NG NAPOLCOM, PNP APELA NG COLISEO DE MANILA

UMAPELA ang pamunuan ng Coliseo de Manila sa National Police Commission (NAPOLCOM) at Philippine National Police (PNP) para sa agarang aksyon laban sa umano’y mga pag-abuso ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon sa kanilang cockpit arena sa Vitas, Tondo, Manila.

Ayon sa Coliseo de Manila, isang seryosong paglihis umano sa mandato ng NAPOLCOM ang mabilis na pagbasura sa kanilang administratibong reklamo laban sa CIDG at ang isinagawang press conference upang depensahan ang mga sangkot na pulis.

Mariin ding itinanggi ng Coliseo de Manila ang anomang pahayag na walang basehan ang kanilang reklamo.

Ayon sa pamunuan ng sabungan, inihain nila ang reklamo bilang panawagan upang maitama umano ang mga pag-abuso ng CIDG sa isinagawang ilegal na entrapment operation at pagpapasara sa kanilang negosyo nang mahigit 20 araw kahit wala umanong bisa ang cyber warrant.

Sinabi rin ng Coliseo de Manila na dalawang beses nang tinanggihan ng Regional Trial Court ng Makati ang aplikasyon ng CIDG para sa naturang warrant.

Batay sa pahayag ng legal counsel ng sabungan na si Atty. Carl Jon P. Mucho ng Chavez Miranda Aseoche Law Offices, nakatanggap lamang sila ng kopya ng resolusyon noong Mayo 5, 2026, kahit inilabas umano ito noong Abril 29.

Ayon pa kay Atty. Mucho, hindi umano sapat ang dalawang pahinang resolusyon ng NAPOLCOM at hindi nito natugunan ang requirements ng Memorandum Circular No. 2016-002 hinggil sa malinaw na paglalahad ng facts at legal basis ng desisyon.

Kinuwestiyon din ng Coliseo de Manila ang naging pahayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño sa briefing sa Camp Crame noong Abril 27, 2026.

Ayon kay Brig. Gen. Tuaño, ipinakita umano ng CCTV footage na kumuha lamang ng bet ticket ang isang pulis bilang ebidensya ng umano’y online sabong operation at hindi kumuha ng pera mula sa teller.

Subalit iginiit ng Coliseo de Manila na mismong ebidensya umano ng CIDG ang sumasalungat dito.

Ayon sa kanila, ang bet slip na iniharap ng CIDG ay may timestamp na 3:59 p.m., ngunit sa CCTV footage ay makikitang bandang alas-6:00 ng gabi, habang nagpapatuloy ang raid, ay nagbulsa umano ng pera ang isang pulis mula sa teller ng sabungan.

Dagdag pa ng Coliseo de Manila, malinaw umanong makikita sa footage na wala nang aktibong laban nang kunin ang pera dahil wala na sa puwesto ang ilang teller at matagal nang naputol ang operasyon.

Nanindigan ang Coliseo de Manila na may sapat silang basehan sa kanilang administratibong reklamo at handa silang gamitin ang lahat ng legal na remedyo laban sa naging desisyon ng NAPOLCOM.

Umaasa rin ang pamunuan ng sabungan na mananatiling tapat ang NAPOLCOM sa mandato nitong tiyakin na propesyonal, may pananagutan, at epektibo ang hanay ng kapulisan.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment