AFP NAG-DEPLOY NA NG MARINES SA SENADO

KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may naka-deploy na contingent ng Philippine Marines sa paligid ng Senado bilang bahagi ng regular security operations.

Ayon kay AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla, walang kaugnayan ang deployment sa mga kasalukuyang kaganapan sa Senado.

“To confirm, we really have deployments to different areas, different institutions. So over and above the Senate, we also have deployments in Malacañang Palace at kung napapansin ninyo, meron din po tayo sa mismong rebulto ni Dr. Jose Rizal,” ani Padilla.

Ipinaliwanag ni Padilla na matagal nang nakatalaga ang mga Marines para sa perimeter security at hindi sila pumapasok sa loob ng Senado o Malacañang.

“Ito po ay standard. Mula pa nung pumasok ako ng serbisyo ay nandiyan na po sila. But ang role po ng ating Marines diyan are for perimeter security so hindi po sila pumapasok ng Senado at sa gayundin po sa loob ng Malacañang Palace,” dagdag nito.

Ayon pa kay Padilla, case-to-case basis ang deployment ng mga sundalo depende sa pangangailangan at kahilingan ng mga kinauukulang ahensya.

Samantala, kinumpirma rin ng Philippine National Police (PNP) na magde-deploy ito ng 343 personnel para tiyakin ang seguridad sa paligid ng Senado kasunod ng mga ikinasang kilos-protesta ng mga tagasuporta ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Southern Police District chief Police Brigadier General Glenn Oliver C. Cinco, malaking bahagi ng deployment ay mula sa Civil Disturbance Management units kung saan paiiralin ang maximum tolerance.

Gayunman, sinabi nitong aarestuhin ang sinumang mananakit o lalabag sa batas habang isinasagawa ang mga kilos-protesta.

Samantala, sinabi naman ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na handa ang PNP na ipatupad ang warrant of arrest laban kay dela Rosa kung magkakaroon ng kaukulang court order.

Ipinaliwanag ni Tuaño na may dalawang proseso sa pagpapatupad ng ICC warrant — extrajudicial proceedings na nangangailangan ng court order at direct surrender sa pamamagitan ng Interpol at koordinasyon ng National Central Bureau o Philippine Center for Transnational Crime.

Ayon kay Tuaño, wala pa umanong natatanggap na direktiba ang PNP mula sa National Central Bureaus o PCTC kung alin sa dalawang proseso ang ipatutupad kaugnay ng ICC warrant laban kay dela Rosa.

Gayunman, tiniyak nito na mananatiling nakasandig ang PNP sa umiiral na batas.

(JESSE RUIZ)

75

Related posts

Leave a Comment