SUMALANG na sa pinal na deliberasyon sa House of Representatives ang panukalang KALINGA bill matapos ang halos dalawang buwang sunod-sunod na pagdinig kaugnay ng lumalalang krisis sa langis at enerhiya sa bansa.
Sa pulong ng Ad Hoc Committee on Legislative Energy Action and Development (LEAD), sinabi ni Marikina City Rep. Miro Quimbo na pinagsasama-sama na sa isang substitute bill ang mga rekomendasyon at resulta ng malawakang konsultasyon sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Quimbo, ang KALINGA bill na inihain nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ay magsisilbing pundasyon ng substitute bill.
Ang KALINGA o “Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance” ay naglalayong maglatag ng pambansang crisis-response framework na awtomatikong magpapatupad ng government interventions sa panahon ng matinding oil price hikes, supply disruptions, inflation at energy emergencies.
Sinabi ni Quimbo na mabilis na kumilos ang Kamara matapos magdulot ng pangamba ang tensyon sa Middle East hinggil sa posibleng panibagong pandaigdigang oil shock.
“Sa nakalipas na dalawang buwan, nagsagawa ang House of Representatives ng serye ng briefing at marathon hearings tungkol sa nagpapatuloy na krisis sa enerhiya,” ani Quimbo.
Ayon pa sa mambabatas, malawak na konsultasyon ang isinagawa kasama ang economic managers, transport groups, sektor ng agrikultura at pangingisda, labor groups at business sector upang alamin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa ekonomiya at sa mga pamilyang Pilipino.
“Sa dulo ng mga back-to-back sessions na ito, isa ang malinaw: ito ay isang krisis na nagsimula sa petrolyo ngunit mabilis na kumalat sa buong ekonomiya hanggang maramdaman ng bawat tahanang Pilipino,” dagdag nito.
Ipinaliwanag ni Quimbo na direktang naaapektuhan ng mataas na presyo ng langis ang transportasyon, produksyon ng pagkain, kuryente, logistics at operasyon ng maliliit na negosyo.
“Ang fuel ay hindi lamang isang produkto. Isa itong mahalagang sangkap sa halos lahat ng nagpapatakbo sa ating pang-araw-araw na buhay,” diin niya.
Nakasaad din sa panukala ang target na ayuda para sa mga bulnerableng sektor at mga pangmatagalang reporma upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis sa pamamagitan ng conservation programs, fuel efficiency initiatives, renewable energy at pagpapalakas ng suplay.
“Ang mga panukalang nasa harap natin ay hindi lamang para magbigay ng agarang tulong kundi para simulan ang pangmatagalang sistematikong pagbabago upang mabawasan ang ating pagdepende sa langis,” sabi ni Quimbo.
“Ito ang diwa ng Kalinga Program: tulong ngayon, katatagan para sa hinaharap,” dagdag pa niya.
(TINA MENDOZA)
60 