MID-YEAR BONUS NG HIGIT 1-M PERSONNEL NI-RELEASE NG DEPED

SINIMULAN na ng Department of Education (DepEd) na ipalabas ang mid-year bonus para sa mahigit isang milyong teaching at non-teaching personnel bago ang pagbubukas ng School Year 2026-2027.

Layunin umano nito na makapagbigay ng dagdag na suportang pinansyal ilang linggo bago magsimula ang klase.

Nagsimula noong Biyernes, Mayo 15, ang payout na sasaklaw sa mahigit 900,000 public school teachers at higit 100,000 non-teaching staff sa buong bansa.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang rollout ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro at school personnel sa learning recovery at pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon.

Katumbas ng isang buwang basic salary ang bonus, alinsunod sa Department of Budget and Management Budget Circular No. 2017-2 na tumutukoy sa compensation benefits ng government workers.

Sinabi ng DepEd na maaaring makatanggap ng bonus ang teaching at non-teaching personnel, kabilang ang mga nasa regular, casual at contractual positions, basta’t nakapagserbisyo nang hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon, nananatili sa serbisyo sa petsa ng pagpapalabas ng bonus, at may hindi bababa sa satisfactory performance rating.

Samantala, sinabi ni Angara na matatanggap ng mga empleyado ang benepisyo habang naghahanda ang mga paaralan para sa incoming academic year, kabilang ang pagpapatupad ng mga programa sa literacy, numeracy at digital learning.

“Kapag masigla at suportado ang ating mga guro at kawani, mas nagiging handa rin ang ating mga paaralan para sa pagkatuto ng bawat batang Pilipino,” ani Angara.

Ang mid-year bonus ay bahagi ng standard compensation package ng gobyerno para sa public sector employees at karaniwang ipinapalabas tuwing buwan ng Mayo bago magsimula ang klase.

(CHRISTIAN DALE)

85

Related posts

Leave a Comment